
NGAYONG tag-ulan na may mga low pressure area, habagat, bagyo, baha at landslide, bigla nating naalaala ang ating mga personal at iba pa na may mga karanasan dito.
Bumalik nga ang mga alaala natin nang magkwento ang mga taga-Celestino St. Barangay San Jose, Navotas ukol sa “takot” nila sa disgrasya sa baha nang magiba ang pader ng ilog sa kanilang lugar.
Umabot sa 1.5 metro ang high tide at sinamahan pa ito ng baha mula sa ulan kaya mayroon sa kanila ang inabutan ng baha hanggang leeg at may mga hindi pa nakauwi sa kanila dahil nasira ang kanilang mga bahay.
Siyempre pa, bago nito, nauna nang nababaha ang maraming lugar sa Mindanao, gayundin sa Central Luzon, partikular sa mga bayan at barangay sa Bulacan na malapit sa Manila Bay at may mababang lupa.
Sa Malabon, namatay nang purdoy ang isa kong kaibigan na nag-Saudi Arabia.
Nakapagpundar siya ng 10 unit ng computer na nagkakahalaga ng P300,000 ngunit nasira lang at hindi na siya nakabawi nang malubog ang kanilang bahay sa baha.
Sa Maynila, minsan na akong nasiraan ng sasakyan sa malalim na baha sa Taft Avenue.
Nasibak ang radiator fan ng sasakyan sa baha at nag-overheat ito kaya pinahila ko na lang ito hanggang Bulacan saka gumastos ng malaki para sa overhaul ng makina.
Noong Setyembre 26, 2009, si bagyong Ondoy tumama sa Metro Manila at iba pang lugar.
Bumiyahe ako galing Bulacan dakong alas-9:00 ng umaga papasok sa trabaho sa Manila ngunit naistak ako, kasama ang maraming iba pa, sa North Luzon Expressway at inabot ako ng maghapon at magdamag na gutom hanggang alas-8:00 ng umaga.
Hindi na ako pumasok at pag-uwi ko pa-norte sa NLEX pa-norte, may mga partes ng mga bahay at mga sirang sasakyan sa gitna ng NLEX at maraming sasakyan sa gitna ng mga palayan sa Bocaue-Sta. Maria, Bulacan.
Ganyan katindi ang mabaha.