MANILA, Philippines- Tinawag ng Police Regional Office (PRO) 11 nitong Miyerkules na “fake news” ang mga ulat na binalaan umano ng mga pulis ang Kingdom of Jesus Christ (KOJC) members ng pagbomba sa compound kung hindi nila isusuko ang kanilang pinuno na si Pastor Apollo Quiboloy.
Sa video na naka-post sa Facebook, binalaan ni PRO 11 spokesperson Police Major Catherine dela Rey ang publiko laban sa maling impormasyon mula sa religious group.
“Isa na namang kasinungalingan ang pinapalabas ng KOJC na bobombahin naming ang kanilang compound,” giit ni Dela Rey.
“Kagaya ng kasinungalingan na sinasabi nila na pinutulan na namin sila ng tubig at kuryente, eh kagabi ang ganda-ganda ng ilaw ng KOJC compound,” dagdag niya.
Dahil dito, pinaalalahanan ni Dela Rey ang publiko mula sa pagbabahagi nito sa social media at pinayuhan ang mga ito na beripikahin ang mga balita sa mga lehitimong news outlets.
“Kaya sa lahat ng mga mamamayan, kababayan natin, huwag agad kayong maniniwala sa mga pinapalabas nilang mga kasinungalingan,” aniya.
“Mag-verify kayo. Makinig din kayo sa mga legitimate media na nagsasabi ng katotohanan. Sana naman po ay huwag niyong i-spread ang mga fake news na pinapalabas nila,” dagdag ng opisyal.
Iniulat ng Quiboloy-owned media SMNI News na binalaan umano ng PNP ang KOJC members na bobombahin ang kanilang cathedral kung hindi nila isusuko ang kanilang pinuno sa mga awtoridad sa loob ng dalawang oras.
Nagpalabas ng arrest warrants laban kay Quiboloy at iba pa dahil sa umano’y paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act maging sa Qualified Human Trafficking. RNT/SA