MANILA, Philippines- Mag-aangkat ang Pilipinas ng 16,000 metric tons (MT) ng sariwang dilaw na sibuyas upang masiguro ang sapat na suplay ng agricultural commodity sa panahon ng holiday season.
Sa katunayan, inaprubahan na ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang memorandum ng pagpapalabas ng sanitary and phytosanitary import clearance (SPSIC) para sa importasyon ng sariwang dilaw na sibuyas.
“Inapruba ko na nu’ng Lunes ‘yung pag-import ng white o yellow onion dahil ang stocks natin sa tantsa ay depleted na,” ayon kay Laurel.
Wika ni Laurel, aangkat ang bansa ng 16,000 MT ng dilaw na sibuyas para matugunan ang kakulangan ng suplay para sa natitirang araw at buwan ngayong taon.
Ang dami ay base sa monthly per capita consumption ng bansa at magsisilbi bilang ‘buffer’ para ma-stabilize ang presyo sa merkado.
“Limited quantity lang ‘to ng white onion na ini-import para lang to stabilize prices of white onion,” pahayag niya.
Base sa memorandum, ang suplay ng dilaw na sibuyas na 3,296.50 MT ay inaasahan na magtatagal lamang ng hanggang Agosto 25, 2024
Ang first batch ng imported yellow onions, ayon kay Laurel, ay dapat na dumating sa bansa “by the end of this week or early next week.”
Ang pagdating ng kalakal ay hindi dapat lalampas sa buwan ng Disyembre ng taong kasalukuyan upang hindi sumabay sa harvest season, na magsisimula sa Enero 2025.
Nakasaad pa rin sa memorandum na sa nalalapit na holiday season, ang demand para sa dilaw na sibuyas ay inaasahang magreresulta ng pagtaas ng presyo sa merkado.
Samantala, sinabi ni Laurel na ang suplay mula sa locally produced red onions ay “good until March of next year.” Kris Jose