Home NATIONWIDE Remulla sa pagiging state witness ni Shiela Guo: Hindi s’ya reliable

Remulla sa pagiging state witness ni Shiela Guo: Hindi s’ya reliable

Humarap at nagsalita na si Shiela Guo, kapatid ng dismissed mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo sa pagdinig ng Senado nitong Martes, Agosto 27. CESAR MORALES

MANILA, Philippines- Inihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Miyerkules na hindi siya naniwalang si Shiela Guo, kapatid umano ni dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo, ay maaaring maging state witness dahil hindi umano ito katiwa-tiwala.

“Hindi reliable eh,” ani Remulla sa isang panayam sa Senado matapos ang budget hearing nang tanungin kung pwedeng maging state witness si Shiela.

“‘Yung reliability nung kanyang mga sinasabi ang problema natin eh. Hindi siya reliable witness so far. Kailangan talaga patunayan na kailangang-kailangan ‘yung kanyang testimonya upang mangyari ang lahat,” dagdag niya.

Noong nakaraang linggo, sinabi ng National Bureau of Investigation na si Shiela Guo ay isang Chinese citizen na nagngangalang Zhang Mier na nakakuha ng Philippine passport.

Sa Senate hearing nitong Martes, inamin ni Guo na hindi siya ipinanganak sa Pilipinas kundi sa China at dumating lamang siya sa bansa noong 2001 nang dalhin siya ng kanyang foster father upang tumulong sa negosyo.

Samantala, makailang-ulit niyang itinanggi na alam niya ang operasyon ng sinalakay na POGO sa Bamban maging lokasyon ng umano’y kapatid nito.

“Parang ganun nga eh, parang ganun eh. Marami siyang ‘hindi ko alam, hindi ko alam.’ Eh, parang hindi ako makapaniwala na hindi niya alam kasi matagal na siya sa Pilipinas. Nakakabasa naman siya ng mga road sign kung nasaan sila,” ayon naman kay Remulla.

Giit ng opisyal, hindi niya pinaniniwalaan ang mga sinasabi ni Shiela.

Nauna nang inihayag ni Justice Undersecretary Nicky Ty na maaaring maging state witness si Shiela. 

“Ako, ayaw ko naman pangunahan ano, pero qualified siya eh,” pahayag ni Justice Undersecretary Nicky Ty nang tanungin hinggil dito.

“Kasi kung tutuusin mo, hindi naman siya ‘yung pinaka may pakana nitong illegal na bagay. Kung maniniwala tayo kahapon sa mga asta niya eh parang nadamay lang siya or napahamak lang siya ng mga kasamahan niya,” patuloy niya. RNT/SA