Home NATIONWIDE Bar examinees umabot sa 10,483

Bar examinees umabot sa 10,483

MANILA, Philippines – Nasa 10,483 examinees na naghahangad na maging abogado ang kumuha ng 2024 Bar Examinations noong Linggo – ang unang araw ng tatlong araw na pagsusulit, sabi ng Supreme Court (SC).

Sinabi ni SC Associate Justice at Bar Chairperson Mario Lopez sa 10,483 examinees ngayong taon, 5,234 dito ang mga bagong aplikante; 4,060 ang mga previous taker; at 1,189 ang mga refresher.

Noong nakaraang Hulyo, sinabi ng SC na nakatanggap sila ng 12,246 na aplikasyon para sa Bar Examinations ngayong taon.

Sinabi rin ni Lopez na ang pinakamatandang 2024 Bar examinee ay 78 taong gulang habang ang pinakabata ay 23 taong gulang.

Ang mga Bar takers sa taong ito ay isang magkakaibang grupo, na may 6,108 babae at 4,375 lalaki na examinees.

Idinagdag ni Lopez na 155 senior citizens at 313 persons with special needs ang kumuha ng Bar exams ngayong taon.

Sinabi ng Bar chairperson na ang resulta ng 2024 Bar exams ay ilalabas sa Disyembre.

Ang panunumpa at pagpirma sa Tungkulin ng mga Abugado ay sa Enero 24, 2025.

Ang mga kumukuha ng Bar ngayong taon ay magpapatuloy sa pagkuha ng mga pagsusulit sa Setyembre 11 at 15. RNT