MANILA, Philippines – Sumuko sa pulisya ang isang barangay captain matapos siyang iturong umano’y utak sa pagpatay sa dating village secretary at guro sa Santa Maria, Bulacan.
Ayon kay Sta. Maria police chief Lt. Col. Mark Louie M. Sigua, kusang sumuko ang suspek bandang alas-5:30 ng hapon noong Sabado, Agosto 1, matapos malaman na pinangalanan siya ng biktimang si Stephen “Gelo” Pagmanua Enriquez, 38, sa dying declaration nito.
Binaril si Enriquez ng hindi pa nakikilalang riding-in-tandem suspects sa harap ng kaniyang bahay sa Barangay Poblacion madaling-araw noong Huwebes, Hulyo 30. Kalaunan ay binawian siya ng buhay habang nilalapatan ng lunas.
Sinabi ng mga imbestigador na naging mahalagang lead ang dying declaration ng biktima at nagbunsod sa mas pinaigting na pangangalap at pagdodokumento ng ebidensya.
Wala pang inilalabas na pahayag ang suspek.
Kinukumpleto na ng pulisya ang mga dokumento at pinagsasama-sama ang mga ebidensya para sa pagsasampa ng kasong murder sa Office of the Provincial Prosecutor sa Malolos, Bulacan.
Pinuri ni Police Regional Office 3 Director Brig. Gen. Jess B. Mendez ang mabilis na aksyon ng mga imbestigador at binigyang-diin ang kahalagahan ng patas at evidence-based na imbestigasyon.
Tiniyak niyang susundin ang due process at hinikayat ang publiko na patuloy na makipagtulungan sa mga awtoridad. Mary Anne Sapico