MANILA, Philippines – Iniimbestigahan ng Muntinlupa police ang isang Instagram user na nagbantang sasaksakin ang dalawang Grade 7 student ng Muntinlupa Business High School sa Barangay Buli.
Noong Agosto 1, nag-post sa Facebook ang magulang na si Juliet De Jesus Lopena ng screenshot ng mensaheng ipinadala ng account na gumagamit ng pangalang “Brent.” Naglalaman umano ito ng mga pagmumura at banta na sasaksakin ang dalawang estudyante sa Agosto 3, kasabay ng babalang “get ready on Monday.”
Nakipag-ugnayan ang pulisya sa Guidance Office ng paaralan, na nagkumpirmang batid na ng administrasyon ang online post at nakapagpatupad na ng mga hakbang pangseguridad.
Pinaigting din ng mga awtoridad ang police visibility at foot patrols sa loob at paligid ng paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante, guro, at iba pang personnel.
Hindi na ma-access ang Instagram account na ginamit sa pagbabanta. Sinabi ng estudyanteng nakatanggap ng mensahe at ng kaniyang lola na hindi nila kilala ang taong nasa likod ng account.
Wala namang naitalang anumang insidente nitong Lunes, ayon sa pulisya.
Hihingi ang Muntinlupa police ng tulong mula sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group upang matukoy ang pagkakakilanlan ng taong nasa likod ng Instagram account. RNT