MANILA, Philippines- Hindi na tatanggap ng barangay certificates ang Commission on Elections (Comelec) bilang patunay ng residency para sa voter registration, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia.
Ayon kay Garcia, nirerebisa na ang panuntunan sa pagpaparehistro kung saan tinanggal na ang barangay certification bilang ebidensya na pwedeng gamitin bilang pagpapatunay ng address ng isang tao.
Sinabi ng poll chief na ginagamit ito ng ilang tiwaling opisyal para maglipat ng kanilang botante o kaya alisin ang mga botante na itinuturing nilang kalaban.
Ayon kay Garcia, na-monitor ng Comelec ang insidente sa nagdaang midterm polls kung saan nagkamali ang mga opisyal ng barangay sa pagbibigay ng barangay certificate.
Kabilang dito ang Makati at Cagayan de Oro nang makita ng poll body ang pagdagsa sa rehistrasyon ng mga botante bago ang halalan sa Mayo 12.
Umapela si Garcia sa mga karapat-dapat na botante na kumuha ng government-issued identification (ID) cards kabilang ang senior citizen’s IDs, postal IDs at student IDs. Jocelyn Tabangcura-Domenden