PILAR, Abra – Sumisigaw ng katarungan ang pamilya’t kamag-anak ng isang barangay chairman at drayber na kabilang sa convoy ng mayoralty bet na si dating Langiden Mayor Artemio Donato Jr. matapos na tambangan sa Pilar, Abra.
Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Brgy. Kiat, Langiden Chairman Froilan Bueno at kanilang barangay driver na si Kevin Bueno.
Nasa 11 behikulo ni Donato Jr. ang magkakasunod na bumabagtas patungo sa bayan ng Villaviciosa mula sa Poblacion, Pilar bandang alas-4:40 ng hapon nang sila ay paulanan ng mga bala pagsapit sa Sitio Palicad, Poblacion ng nasabing bayan.
Si Donato Jr., na ngayon ay kandidato sa pagka-mayor sa Pidigan, ay masuwerteng hindi nasugatan sa ambush at hindi pa nagbibigay ng pahayag sa insidente.
Nadatnan ng mga rumespondeng pulis ang isang itim na Montero SUV na may plakang B1 U480 na kasama sa convoy, sa isang bahagi ng kalsada at natagpuan si Kevin Bueno na may tama ng bala sa ulo at patay na, habang si Punong Barangay Bueno ay may tama ng bala sa tiyan.
Sugatan naman ang kanilang kasamang si Sonny Bisares Buenos sa kanang hita. Si Brgy. Chairman Bueno ay idineklarang patay habang nilalapatan ng lunas sa hospital habang si Sonny Bueno ay patuloy na ginagamot sa Seares Hospital sa Bangued, Abra.
Nakakubli ang mga suspek at nakaposisyon sa mas mataas na bahagi ng nasabing lugar, may 20 metro ang layo sa highway at hinintay ang pagdating ng convoy mayoralty bet saka sila pinagbabaril.
Kasalukuyan ngayon nagsasagawa ng dragnet operation ang pulisya laban sa mga suspek. REY VELASCO