Home METRO Barangay chairman sa Cotabato tinambangan, 5 sugatan

Barangay chairman sa Cotabato tinambangan, 5 sugatan

MANILA, Philippines – Sugatan ang limang katao matapos tambangan ang sasakyan ng isang barangay chairman sa Cotabato City nitong Biyernes ng gabi, Hunyo 7.

Sa inisyal na ulat, tadtad ng tama ng bala ng baril ang sasakyan ni Edris Ayunan Pasawiran, kapitan ng Barangay Kalanganan 2, Cotabato City.

Nagkalat din ang mga basyo ng bala sa Mabini Street, Barangay Bagua 3, kung saan naganap ang pananambang.

“Initially po, may apat na wounded na dinala sa [Cotabato Regional and Medical Center] pero sa pag-iikot natin — kasi ang sabi nila meron daw wounded din sa mga umatake, pero wala naman pala — meron kaming na-follow up diyan sa may Sanitarium isang wounded na kasama rin nila,” pahayag ni Police Colonel Querubin Manalang Jr., hepe ng Cotabato City police.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pananambang at pagkakakilanlan ng mga suspek.

“Tinitingnan pa po namin, maraming anggulong tinitingnan. ‘Di rin natin kilala kung sino yong mga assailants eh. Kailangan pa natin makausap ‘yong mga victims kung kilala ba nila, kung ano ba talaga nangyari.” Isang mini van umano na pinaniniwalaang getaway vehicle ng mga salarin ang natagpuan sa bahagi ng Barangay Rosary Heights 3. “I think Mazda mini van, nakuhaan din ng isang .45. Tinitingnan pa namin kung connected ‘yon sa pamamaril pero sa tingin ko connected eh. Kasi nagkaroon ng habulan, nag-pursuit operation kami, naabutan nga doon ‘yong abandoned na mini van,” sabi ni Manalang sa panayam ng ABSCBN News.

Kinondena naman ni Cotabato City Vice Mayor Butch Abu ang pananambang at nanawagan ng masusing imbestigasyon para mapanagot ang mga salarin.

Noong 2023 ay naging biktima na rin si Pasawiran ng karahasan kung saan nasawi ang anak niyang lalaki.

Posibleng target ng mga masasamang loob ang pamilya ng kapitan. RNT/JGC