MANILA, Philippines- Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na bagama’t pinapayagan ang barangay officials na sumali sa mga aktibidad sa local candidates, iginiit na bawal sila sa kampanya hangga’t oras ng kanilang trabaho.
Sinabi naman ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na maaari lamang nilang gawin ito pagkatapos ng oras ng trabaho.
“Pwede siyang sumama sa kumpanya. Pwede siyang pumunta sa stage. Pwede siyang magsuot ng t-shirt. Pwede siyang maglagay sa kanyang social media account ng isang post na sumusuporta sa isang kandidato,” sabi ni Garcia sa Meet The Manila Press forum noong Huwebes.
Ayon kay Garcia, maaring gawin ng barangay officials ang gusto nilang gawin dahil hindi naman ipinagbabawal pero aniya, dapat pagkatapos ng kanilang trabaho.
Ang panahon ng pangangampanya para sa mga lokal na kandidato—mula sa gobernador at kongresista hanggang sa alkalde at mga konsehal ng lungsod at munisipyo—ay magsisimula sa Marso 28 at magtatapos sa Mayo 10. Jocelyn Tabangcura-Domenden