ZAMBOANGA DEL SUR- KRITIKAL sa ospital ang isang barangay kagawad matapos pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang riding in tandem suspect nitong Linggo, Abril 27, sa bayan ng Ramon Magsaysay.
Kinilala ang biktimang si Edgar Apao, 45, kagawad ng Barangay Laperian, Tukuran.
Ayon kay Police Col. Bonifacio Arañas Jr., provincial director ng Zamboanga del Sur police, bandang 10:20 AM Abril 27, 2025 naganap ang krimen sa kahabaan ng Barangay Upper Laperian, Ramon Magsaysay.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ng biktima ang kanyang kolong-kolong para ihatid ang kanilang pastora nang biglang sumulpot ang dalawang motorsiklo.
Dito, pinagbabaril ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan saka mabilis na nagsitakas patungo sa direksyon ng Tukuran road.
Kaagad naman isinugod sa ospital ang biktima na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa ulo at katawan.
Sinabi ng pulisya na liblib ang lugar, walang signal ang cellular phone at 15 kilometro ang layo nito sa Ramon Magsaysay Municipal Police Station.
Hustisya naman ang sigaw ng misis na biktima at sinabing walang naging kaaway ang mister nito maliban sa pagiging loyal supporter ng kanilang alkalde na si reelectionist Tukutan mayor Macario Tingson.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang follow-up operation ng pulisya para sa pagkakakilanlan sa mga suspek at motibo sa krimen. Mary Anne Sapico