MANILA, Philippines – Sugatan ang isang tripulante matapos masunog ang sinasakyang motor banca habang nakadaong sa pantalan ng Maripipi, Biliran, nitong Lunes ng umaga, Abril 28.
Nagtamo ng second degree burn sa kanyang kanang kamay at kaliwang hita si Alchie Vergar, 48, residente ng Barangay Casibang, Maripipi.
Agad siyang dinala sa Maripipi Infirmary para sa medical treatment.
Ayon sa ulat, mula sa Philippine Coast Guard Sub-Station Maripipi, pasado alas-6 ng umaga nang masunog ang motorbanca na St. Michael.
Sa tulong ng pinagsamang pagsisikap ng CGSS Maripipi personnel, crew ng motor banca at mula sa kalapit na MBCA Island Queen, naapula ang sunog 6:31 ng umaga.
Hindi nabanggit sa ulat kung ilan ang sakay na crew ng motorbanca nang mangyari ang insidente.
Sa imbestigasyon ng CGSS Maripipi, nalaman na nagsasagawa ng routine engine warm-up ang mga tripulante nang biglang sumiklab ang apoy habang ini-start ang makina.
Ang mabilis na aksyon ng mga tripulante upang mapigilan ang suplay ng gasolina ay nakatulong para maiwasan ang sunog na lalong kumalat. Jocelyn Tabangcura-Domenden