MANILA, Philippines – Nahaharap sa reklamong estafa ang isang 24 anyos na babae dahil sa umano’y panloloko sa isang American national ng hindi bababa sa P1.5 milyon sa inilarawan ng mga awtoridad bilang klasikong kaso ng “love scam.”
Inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa cebu District Office (NBI-Cebdo) ang isang Jhea Ramos Jualo sa entrapment operation sa isang coffee shop sa Mandaue City, Cebu noong Abril 24.
Inihain ang kaso laban kay Jualo nitong Lunes, Abril 28.
Inakusahan ng Amerikanong complainant na si Jualo, residente ng Maasin City, Leyte, na nakipagrelasyon at umanoy niloko siya para sa pinansyal na kapakinabangan.
Kasunod nito, nakuha ng suspek ang hindi bababa sa P1.5 milyon na halaga ng pera mula sa biktima.
Hindi kasama rito ang iba pang mahahalagang bagay na personal na binili ng complainant para kay Jualo tulad ng laptop at alahas.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na nalaman ni Jualo ang tungkol sa complainant nang sinubukan ng kanyang kapatid, na kinilala lamang sa pangalang RJ, na kumonekta sa dayuhan sa panahon ng relief effort para sa mga biktima ng bagyo sa Maasin City, Leyte noong 2023.
Pagkatapos ay ipinakilala ni RJ ang complainant sa kanyang kapatid na si Jhea sa pamamagitan ng online messaging app.
Agad namang nagpalitan ng mensahe ang suspek at ang biktima na nauwi sa isang relasyon.
Sinabi ng legal counsel ng biktima na si Atty. Athena Salas na si Jhea ang nagpropose para sa dalawa para magkarelasyon kung saan nagsimula nang humingi ng pera ang suspek.
Kahit hindi pa nagkikita sa personal ay hiningan na umano ng suspek ng halagang P300,000 ang complainant at nasundan pa ng P2.4 milyong cash bilang down payment para sa condo unit para mailipat ang kanyang pamilya mula Leyte patungong Cebu.
Sinabi rin ng suspek sa biktima na balak talaga niyang bilhin ng unit kabuuang halagang P14 milyon.
Nang magduda ang biktima, agad itong lumipad papuntang Pilipinas at naghain ng reklamo sa NBI-Cebdo saka ikinasa ang entrapment operation na nagresulta sa pag-aresto sa suspek.
Mariin namang itinanggi ni Jualo ang alegasyon laban sa kanya at sinabing naging tapat ito kay complainant na ang nasabing pera at napunta sa pangangailangan ng kanyang pamilya.
Nagkita na rin ng personal sina Jualo at complainant matapos maaresto ng NBI-Cebdo ang suspek na humingi ng tawad sa biktima.
Gayunpaman, nais ng complainant na ituloy ang kaso laban sa kanya. Jocelyn Tabangcura-Domenden