MANILA, Philippines- Isang kagawad ng barangay ang kasalukuyang nasa malubhang kalagayan at inoobserbahan sa pagamutan makaraang pagbabarilin ng nakaaway na pamangkin habang nakaupo sa harapan ng Barangay Hall sa Brgy. Amaya Tanza, Cavite.
Kinilala ang biktima na si Alyas Emilio, 54-anyos kasalukuyang nanunungkulan bilang barangay kagawad sa nasabing lugar at ginagamot sa Tanza Doctor Hospital dahil sa tama ng bala sa ulo.
Kinilala naman ang suspek na si alyas Andy, na tumakas sakay ng tricycle at tinahak ang direksyon ng Amaya Crossing ng nasabing bayan.
Ayon sa report, bandang alas-11 kamakalawa ng gabi nang naganap ang insidente kung saan nakaupo ang biktima sa harap ng barangay hall nang dumating ang suspek na sakay ng tricycle at kaagad at binaril ang biktima.
Batay sa ulat, bago ang pamamaril ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang suspek at pamangkin ng biktima na pinaniniwalaang pinamagitan nito.
Linggid sa kaalaman ng biktima, gagantihan ito ng suspek at nang bumalik ito ay hinanap nito ang biktima kung saan nakitang nakaupo sa harap ng barangay hall at dito na isinagawa ang naturang krimen.
Nagsasagawa ng manhunt operasyon ang pulisya para sa agarang ikadarakip ng suspek. Margie Bautista