MANILA, Philippines – Magdadala ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan ang southwest monsoon o habagat sa kanlurang bahagi ng Southern Luzon, Visayas at Mindanao.
Ayon sa PAGASA, mayroon din silang minomonitor na tropical cyclone sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ang Severe Tropical Storm Shanshan ay namataan sa layong 2,055 kilometro silangan ng Central Luzon taglay ang lakas ng hangin na 110 kilometro kada oras at pagbugso na hanggang 135 kilometro kada oras.
Kumikilos ito sa direksyong northward sa bilis na 15kph.
Sa lagay ng panahon, ang MIMAROPA, Western Visayas, Negros Island Region, Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi ay makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm dahil sa habagat.
Ang Metro Manila naman at nalalabing bahagi ng bansa ay magkakaroon din ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms dahil sa localized thunderstorms. RNT/JGC