Home NATIONWIDE Barangay kagawad, patay sa pananambang

Barangay kagawad, patay sa pananambang

CAVITE- PATAY ang isang barangay kagawad matapos tambangan at pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang suspek, iniulat kahapon, Mayo 19 sa bayan ng Tanza.

Kinilala ang biktimang si Bagtas Konsehal Christopher “Ile” Aron, at lider ni Mayor-elect SM Matro.

Batay sa report ng Tanza Municipal Police Station, naganap ang krimen noong Linggo ng tanghali Mayo 18, 2025 sa tapat ng barangay hall.

Ayon kay Police Senior Master Sergeant Israel Villela ng Tanza Police, nasa loob ng kanyang sasakyan ang biktima ng bigla na lamang itong pagbabarilin ng mga suspek na nakamotorsiklo.

Tinamaan sa leeg ang biktima na naging sanhi ng kamatayan nito habang mabilis na tumakas ang mga suspek.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang masusing imbestigasyon ng pulisya para alamin ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek para sa agaran pagdakip. Mary Anne Sapico