Home METRO Barangay official sa Davao na nangupit ng ayuda ng buntis, kakasuhan ng...

Barangay official sa Davao na nangupit ng ayuda ng buntis, kakasuhan ng DSWD

MANILA, Philippines – Magsasampa ng reklamo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) laban sa isang opisyal ng barangay sa Davao na umano’y nangupit ng ayuda na para sana sa isang buntis.

Sa viral video, maluha-luhang ibinahagi ng benepisyaryo kung paanong ang P10,000 na ayuda mula sa DSWD Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ay naging P1,500 na lamang matapos na kunin umano ng barangay official ang P8,500 na ibibigay umano sa ibang recipient.

“Ongoing na pina-file ‘yung affidavit of complaint,” sinabi ni DSWD Spokesperson Irene Dumlao.

“Dahil nga nakikita natin na may grave abuse of authority yung barangay official dahil kinuha yung natanggap mula sa DSWD. Tinitingnan din natin ang graft and corruption. Maaari ring mag-fall sa robbery kung yan ay may coercion,” dagdag ni Dumlao.

Sinabi ng DSWD na desidido itong maghain ng reklamo laban sa hindi pinangalanang opisyal ng barangay at hinimok ang publiko na isumbong ang mga kaparehong insidente. RNT/JGC