COTABATO- SABOG ang bungo ng isang barangay treasurer at guro sa pribadong paaralan matapos tambangan at pagbabarilin ng mga hindi kilalang armadong suspek, iniulat kahapon sa bayan ng Pikit.
Kinilala ang biktimang si Yasser Abdullah Mama, nagtuturo sa Noorul Eilm Academy Foundation Inc.; residente at barangay treasurer ng Brgy. Macabual, Tugunan, SGA.
Ayon kay Police major Arvin John Cambang, hepe ng Pikit Municipal Police Station, bandang 3:00 PM ng maganap ang krimen sa tapat ng nabanggit na paaralan na sakop ng Barangay Inug-ug, ng nasabing bayan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sakay ang biktima ng kanyang motorsiklo papasok sa paaralan ng bigla na lamang itong pagbabarilin sa ulo ng mga suspek gamit ang .9mm na kalibre armas na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon.
Magugunitang dalawang linggo pa lamang ang nakalipas nang pagbabarilin-patay din ang dalawang estudyante ni Mama na sina Rafael Abu Indong at Muslimin Nanalong, parehong mga Grade 11, sa naturang barangay.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad kung iisa lamang ang mga salarin at motibo sa nabanggit na krimen para sa agaran pagkakakilanlan at pagdakip sa mga ito./Mary Anne Sapico