Home NATIONWIDE Bong Go sa PhilHealth: Awareness sa Konsulta Package, itaas

Bong Go sa PhilHealth: Awareness sa Konsulta Package, itaas

Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na magsagawa ng komprehensibong education at awareness campaign sa Konsultasyong Sulit at Tama (Konsulta) Package nito.

Ito ay dahil sa datos na nagpapakita na 5 milyong Pilipino lamang ang naka-avail ng PhilHealth Konsulta Package, maliit na bahagi ng kabuuang populasyon ng Pilipinas. Target ng programa na lahat ng Pilipino ay makinabang sa inisyatiba sa hangaring mabigyan sila ng preventive care.

“Napansin ko, five million lang po ang nakakaalam. Iyong naka-avail, five million lang po. Paano ang iba pang 100 milyong Pilipino? Dapat mapaintindi ito,” ani Senator Go.

Pinasalamatan naman ni Go ang PhilHealth sa pagtataas ng budget sa Konsulta Package ngayong taon. Itinaas ng PhilHealth ang coverage package sa P1,700 mula sa P500 noong nakaraang taon.

Sa ilalim ng PhilHealth Konsulta Package, ang lahat ng Pilipino ay eligible maka-avail ng consultation, health risk screening and assessment, laboratory at diagnostic tests,  at ispesipikong drugs at medicines.

Iminungkahi ni Go na bukod sa pagpapalakas sa awareness, mas maraming PhilHealth accredited health facility ang dapat unahin lalo sa grassroots community.

Bilang halimbawa, ang Super Health Centers, na patuloy na itinataguyod ni Go, ay idinisenyo upang tutukan ang pangunahing pangangalaga, konsultasyon, at maagang pagtuklas sa mga sakit.

Ang libreng konsultasyon ay ibibigay dito ng municipal health offices, local government units, at ng PhilHealth sa pamamagitan ng Konsulta program.

Ayon kay Go, maraming Pilipino ang hindi alam kung saan hihingi ng tulong para sa kanilang mga pangangailangan sa ospital.

“Ang daming pasyenteng naghihingalo. Hindi nila alam kung saan sila hihingi ng tulong para sa pagpapaospital,” ani Go.

Bilang Senate chairperson ng Committee on Health, nananatiling prioridad ni Go ang pagtiyak na ang gobyerno ay nakapagbibigay ng accessible at abot-kayang serbisyo sa healthcare ng bawat Pilipino. Binigyang-diin niya na mahalagang mapaliit ang mga gastusin para sa pangkalusugan ng mga pamilyang Pilipino, lalo ng mga mahihirap. RNT