ILOCOS SUR- Tigok ang isang 29-anyos na hair cutter matapos pagbabarilin ng kanyang nakaalitan sa Lyric Building sa Brgy. VIII, Vigan City ng lalawigang ito kaninang 12:15 ng madaling-araw, Pebrero 25.
Ayon sa mga otoridad, ang biktima ay residente ng Brgy. San Julian Sur, Vigan City, Ilocos Sur.
Arestado naman ang 30-anyos na suspek na residente ng Brgy. Poblacion, Santol, La Union.
Ayon sa mga saksing nakausap ng mga awtoridad, ang suspek ay umiinom sa loob ng naturang establisyemento.
Lumapit umano ang biktima sa table ng suspek at makalipas ang ilang sandali ay nakita na lang nilang nagtatalo ang dalawa.
Pagkatapos nito ay lumabas sa naturang establisyemento ang biktima at ang kanyang mga kasama.
Paglabas nila ay sumunod namang lumabas ang suspek at dito na siya inundayan ng saksak ng biktima gamit ang screwdriver.
Naglabas naman ng baril ang suspek at pinagbabaril nito ang biktima.
Isang babaeng umaawat sa kanila ang tinamaan ng bala.
Isinugod sa ospital ang babae ngunit hindi nagtagal ay nalagutan din ng hininga.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring shooting incident. Rolando S. Gamoso