MANILA, Philippines – Tumugon sa panibagong maritime incident ang Philipine Coast Guard (PCG) sa baybayin sakop ng Navotas City.
Sa ulat ng PCG, sumadsad ang isang barko sa bahagi ng pondohan, Tangos North, Navotas nagyong Martes, Setyembre 3.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na ang Barge Karangalan 2 ay naka-angkla sa San Miguel Corporation (SMC) Shipping Lighterage Wharf sa Tanza, Navotas City, nang maputol ang lubid kaya ito nagpalutang-lutang
Agad namang hinila ng MTUG Limay 3 ang barge patungo sa ligtas na lugar alas-6 ng umaga.
Gayunman, alas-9 ng umaga, ang nasabing barko ay nagbaba ng angkla sa bisinidad sa baybayin ng Tanza, Navotas City ngunit dahil sa malakas na hangin at malaking alon ay muling nahampas at dinala sa mababaw na bahagi ng katubigan ng Tangos North.
Pinayuhan na ng Coast Guard personnel ang kapaitan nito na maghain ng marine protest at emergency salvage permit for extraction.
Sa ngayon, patuloy na binabantayan ng PCG ang sumadsad na barko at magsasagawa ng boarding inspection sa sandaling bumuti na ang lagay ng panahon. Jocelyn Tabangcura-Domenden