OCCIDENTAL MINDORO, Philippines – Isang passenger vessel ang sumadsad sa baybayin ng Lubang, Occidental Mindoro noong umaga ng Linggo ng Pagkabuhay, Abril 5, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Ligtas na na-rescue ang lahat ng 162 pasahero at 8 crew members ng MV Our Lady of Fatima 03.
Batay sa paunang ulat ng PCG, sumadsad ang barko bandang 7:45 a.m. humigit-kumulang 670 metro mula sa dalampasigan ng Barangay Tilik, matapos itong umalis sa Tilik Port patungong Nasugbu.
Ayon kay PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, “The Coast Guard Sub-Station Lubang observed the vessel’s sudden stop at around 7:45AM, shortly after departing Tilik Port en route to Nasugbu.”
Ayon sa imbestigasyon, maaaring dulot ng low tide sa mabatong seabed ang insidente, kahit “calm to moderate” ang lagay ng dagat noong oras na iyon.
Nasa loob ng kapasidad ng barko ang biyahe, na may dala ring humigit-kumulang 250 liters ng marine diesel oil at 45 liters ng lube oil, at walang kargamento.
Bandang 8:40 a.m., sinimulan ang paglipat ng mga pasahero sa ibang barko, at bandang 9:20 a.m. ay ligtas na silang naihatid sa Tilik Port sakay ng MV Princess Christine II.
Walang naitalang oil spill o pinsala sa karagatan, at ayon sa PCG ay nasa labas ng marine protected area ang lugar ng insidente.
Pinayuhan ang kapitan ng barko na magsumite ng marine protest, habang isasagawa ang underwater inspection para sa posibleng pinsala sa barko.
Inirekomenda rin ng Coast Guard Station Occidental Mindoro ang pansamantalang suspensyon ng Passenger Ship Safety Certificate ng barko habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng MARINA. RNT/MND