MANILA, Philippines – Nagpahayag ng suporta si Senate Pro Tempore Panfilo Lacson sa posibleng joint oil and gas exploration ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea, habang binigyang-diin ang potensyal na benepisyo nito sa bansa.
“Yes. Four-square behind, sinusuportahan ko. Kasi sayang eh. Yayaman tayo doon,” ani Lacson sa panayam sa Super Radyo dzBB.
Gayunman, iginiit niya na dapat mahigpit na sundin ang 60-40 foreign ownership provision sa ilalim ng 1987 Constitution.
Ayon sa Saligang Batas, maaaring pumasok ang estado sa co-production, joint venture, o production-sharing agreements basta’t may 60% na pagmamay-ari ang mga Pilipino.
“Ang mahalaga lang sa atin, on paper sa agreement… maliwanag emphasized doon 60-40… Pag pumayag ang China, panalo na tayo dahil ibig sabihin ni-recognize nila ang sovereignty ng Pilipinas,” dagdag ni Lacson.
Giit niya, mayaman sa natural gas ang West Philippine Sea ngunit kulang ang Pilipinas sa teknolohiya at pondo para sa malawakang eksplorasyon, habang may kakayahan naman ang China.
Samantala, sinabi ng Chinese Embassy na may “positive progress” ang usapan ng dalawang bansa hinggil sa joint oil and gas development, at bukas ang China sa patuloy na dialogue kung may “sincerity” ang panig ng Pilipinas.
Sa kabilang banda, nagbabala si dating Supreme Court Justice Antonio Carpio na maaaring maging “trap” ang joint development dahil posibleng ituring ng China na kanila ang likas-yaman sa disputed waters.
Ayon sa Department of Energy, maaaring may mahigit 6 million barrels ng langis at mahigit 7 billion cubic feet ng natural gas sa West Philippine Sea, kabilang ang Recto Bank (Reed Bank) na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas. RNT/MND