BRUSSELS, Belgium – Bumaba ang bilang ng mga barkong dumaan sa Strait of Hormuz noong Miyerkules, isang araw matapos muling ipatupad ng Estados Unidos ang naval blockade sa mga daungan ng Iran habang nagpapatuloy ang pag-atake ng dalawang bansa sa Gulf.
Ayon sa Kpler shipping data, pitong barko lamang ang dumaan sa Strait of Hormuz noong Miyerkules, karamihan ay sa rutang papasok ng Iran. Mas mababa ito kumpara sa 13 barko noong nakaraang araw.
Lumitaw ang pagbaba ng trapiko matapos sabihin ng Iran noong Sabado na isinara nito ang Strait of Hormuz. Dahil sa nagpapatuloy na operasyong militar, naapektuhan ang pagdaan ng mga barko sa mahalagang rutang dinaraanan ng humigit-kumulang isang-kalimang bahagi ng pandaigdigang suplay ng langis at gas bago sumiklab ang labanan.
Noong Miyerkules, apat na walang kargang barko ang pumasok sa Gulf, kabilang ang tatlong maliit na oil tanker at isang barkong pangkargamento ng butil. Samantala, ang tatlong barkong lumabas sa Strait of Hormuz ay may kargang liquefied petroleum gas (LPG), karbon, at fuel oil.
Noong Martes, isang Suezmax tanker na may dalang 1 milyong bariles ng krudo mula Saudi Arabia ang nakalabas sa Strait of Hormuz habang naka-off ang transponder nito.
Wala namang Very Large Crude Carrier (VLCC) o liquefied natural gas (LNG) tanker na dumaan sa Strait of Hormuz noong Miyerkules. RNT/MDS