MANILA, Philippines- Upang maiwasan ang congestion, plano ng pamunuan ng North at South Luzon Expressways (NLEX, SLEX) na tanggalin na ang mga barrier sa rentry points pagdating ng Nobyembre.
Ayon kay House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo sa naging pulong ng Kamara sa toll operator officials, natalakay ang pagtanggal sa mga barrier na makatutulong upang mas maging mabilis ang pagbabayad ng toll fee.
“Little did we know, they already have plans. SLEX and NLEX management are talking with TRB (Toll Regulatory Board) in coming up with barrier-less tollways starting aorund November. Wala na hong barrier diyan sa entry sa Balintawak (NLEX) at Nicholls [SLEX],” pahayag ni Tulfo.
Noong Holy Week ay nasa 87,000 sasakyan ang dumaan sa NLEX entry, doble ito sa daily capacity na 40,000 hanggang 43,000 vehicles.
Sa nasabing bilang ay nasa 5,000 ang may defective RFID stickers na nakakadagdag pa sa delay at trapiko.
Ipinaliwanag ni Tulfo na kapag naalis na ang barrier ay hindi nangangahulugan na malilibre na sa toll ang mga walang load o depektibong RFID sticker. Aniya, maiisyuhan ito ng traffic violation ticket.
“Toll operators will ask the Department of Public Works and Highways (DPWH) to issue a department order so that those with insufficient load will be issued traffic violation tickets with corresponding fines” ani Tulfo.
Sinabi ni Tulfo na ang pagtanggal ng entry barrier ay unang phase lamang, habang ang ikalawang phase na gagawin ng operators ay pagtanggal ng barrier boom sa exit points gayundin sa entry points pabalik ng Metro Manila. Gail Mendoza