MANILA, Philippines — Inaprubahan ng Budget Amendments Review Subcommittee (BARSc) ng Kamara ang panukalang P673 milyong dagdag-pondo para sa Presidential Communications Office (PCO) at ilang attached agencies nito sa proposed 2027 national budget.
Ang panukala ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan ay kinabibilangan ng P600 milyon para sa People’s Television Network Inc. (PTV-4), P35.985 milyon para sa IBC-13, P12 milyon para sa Philippine Information Agency (PIA), at P25 milyon para sa pagpapalawak ng Bangon Pilipinas studios sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Yamsuan, layunin ng dagdag na pondo na palakasin ang kakayahan ng government communications system bilang source ng impormasyon at instrumento ng public accountability.
“Information is not just knowledge, it is a foundation of accountability,” ani Yamsuan.
Sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program, nasa P2.62 bilyon ang proposed allocation para sa PCO at mga attached agencies nito. Humigit-kumulang P138.4 milyon lamang ang nakalaan para sa PTV-4, habang walang subsidy ang IBC-13 dahil sa katayuan nitong government-owned and controlled corporation na isinasaalang-alang para sa privatization.
Nauna nang nanawagan si PCO Secretary Dave Gomez sa mga mambabatas na ibalik ang subsidy ng IBC-13 dahil maaaring hindi pa makumpleto ang planong privatization bago magsimula ang susunod na fiscal year at posibleng maapektuhan ang operasyon ng istasyon.
Samantala, ang dagdag na P12 milyon para sa PIA ay nakalaan umano para sa pansamantalang pagrenta ng opisina habang nire-retrofit ang headquarters nito sa Quezon City. Ang P25 milyon naman para sa Bangon Pilipinas studios ay gagamitin sa pagtatayo at operasyon ng mas maraming production facilities na maaaring magamit ng content creators at local media practitioners.
Hindi pa pinal ang mga dagdag na alokasyon. Ang mga rekomendasyon ng BARSc ay kailangan pang dumaan sa karagdagang deliberasyon at pag-apruba ng Kamara bago maisama sa bersiyon nito ng 2027 General Appropriations Bill. RNT