Home NATIONWIDE Baste nilinaw na kay Imee lang nag-sorry ‘di kay PBBM

Baste nilinaw na kay Imee lang nag-sorry ‘di kay PBBM

DAVAO CITY- Sinabi ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte nitong Sabado na humingi siya ng paumanhin kay Sen. Imee Marcos para sa mga nasabi niya laban sa kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kabilang ang panawagan niyang magbitiw ito, subalit hindi sa Pangulo mismo.

Sa post niya sa kanyang Facebook account, sinabi ng nakababatang Duterte na humingi lamang siya ng paumanhin sa senador dahil narinig nito ang mga negatibo niyang pahayag sa prayer rally sa Davao City noong January 28 laban sa people’s initiative campaign para sa charter change.

Dumalo sa nasabing aktibidad si Imee Marcos na naupo katabi ni Vice President Sara Duterte habang pinakikinggan ang mga tirada ng mga Duterte laban sa Pangulo.

“Madame Imee, linawin ko lang kasi ginagamit mo na sa drama mo diyan sa media. Humingi ako ng tawad dahil naawa ako sa ‘yo, hindi dahil sa mga sinabi ko tungkol sa kapatid mo na presidente,” wika niya sa kanyang post.

Ayon pa kay Mayor Duterte, dismayado siya nang sabihin ni Marcos sa media kamakailan ang tungkol sa paghingi niya ng paumanhin, at sinabing napatawad na niya noon ang senador subalit hindi idinetalye kung kailan ito nangyari.

“Undangi kog gamit ana imong mga jamming. Gipa lampas na taka kausa pero banha gihapon kayka,” anang alkalde.

Malapit pa rin si Sen. Marcos kay Vice President Duterte at kanyang pamilya sa gitna ng “hindi pagkakasundo” sa pagitan ng mga Duterte at mga Marcos.

Nitong Biyernes, nakipagkita ang senador kay dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang Senate hearing sa Davao City sa people’s initiative signature campaign. RNT/SA