Home HOME BANNER STORY Patay sa Davao floods, landslides 17 na

Patay sa Davao floods, landslides 17 na

MANILA, Philippines- Umakyat na sa 17 ang death toll sa malawakang pagbaha at pagguho ng lupa sa Davao region, ayon sa mga lokal na opisyal nitong Linggo.

Sinabi ni Glenda Delideli, Davao del Norte provincial disaster risk reduction and management officer, na pito ang nasawi sa lalawigan– lima sa landslide sa bayan ng Kapalong, isa sa bayan ng Sto. Tomas dahil sa pagkalunod, at isa sa bayan ng Asuncion, na nalunod din.

Ayon naman kay Fe Maestre, Davao de Oro provincial information officer, 10 ang nasawi sa kanilang lugar, karamihan ay dahil sa landslides: tatlo sa New Bataan, tatlo sa Maragusan, dalawa sa Pantukan, isa sa Monkayo, at isa sa Maco.

Patuloy na bumabangon ang ilang bahagi ng Davao del Norte mula sa pagbaha. Sa Carmen, inihayag ni municipal information officer Julius Dave Garcia na halos 80 hanggang 90 porsyento ng kabuuang populasyon ang apektado ng pagbaha.

Labingwalo naman sa 20 barangay ang binabaha pa rin, habang anim ang nananatiling isolated:  Brgy. San Isidro, Brgy. Anibongan, Brgy. Tuganay, Brgy. Salvacion, Brgy. Mabaus, at Brgy. Guadalupe.

Hamon pa rin ang relief operations para sa local government units dahil mahirap puntahan ang ilang lugar.

Mula nang bahain ang evacuation centers, maraming apektadong pamilya ang nanatili sa municipal hall.

Regular silang nakatatanggap ng pagkain mula sa mobile kitchen.

Subalit, maraming pamilya ang nanatili sa mga tabing-kalsada at pampublikong lugar tulad ng Veteran’s Park kung saan sila naglagay ng mga tent. Nakatanggap sila ng food packs, subalit walang relief goods.

Umaasa sila minsan sa mga donasyon mula sa mga ordinaryong mamamayan, grup,o at mga politiko.

Inamin ni Garcia na naubusan sila ng relief goods supplies dahil naipamahagi na ang mga ito sa mga binahang pamilya sa kasagsagan ng epekto ng shearline halos dalawang linggo na ang nakalilipas.

“In the past few weeks, naka-experience kami ng baha, so ‘yung relief goods ay nabigay na. Mayroon nang dumating na food packs pero hindi pa talaga siya enough para ma-supplyan ang lahat ng barangay na affected, mostly ‘yung barangay na ‘yon ay isolated na at pahirapan ang relief operation doon,” wika niya. RNT/SA

Previous articleCAAP sa mga piloto: Iwasang magpalipad malapit sa Mayon
Next articleBaste nilinaw na kay Imee lang nag-sorry ‘di kay PBBM