Home METRO Robbery-holdup suspect tiklo sa Pasay

Robbery-holdup suspect tiklo sa Pasay

MANILA, Philippines- Arestado ng mga tauhan ng Pasay City police Substation 10 ang isang robbery-holdup suspect sa isinagawang Oplan Galugad nitong Linggo (Pebrero 4).

Sa report na isinumite ni Pasay City police chief P/Col. Mario Mayames, Jr. sa Southern Police District (SPD) ay kinilala lamang ang suspek sa alyas na Romie, 19.

Ayon kay Mayames, naganap ang pag-aresto kay alyas Romie dakong alas-8:15 ng umaga sa kahabaan ng Macapagal Avenue, Barangay 76, Zone 10, Pasay City habang nakatakas naman ang kasabwat nito na kinilalang si alyas Jamil na siyang pinaghahanap ng mga awtoridad.

Sinabi ni Mayames na nagsasagawa ang mga tauhan ng Substation 10 ng pagpapatrolya na bahagi ng kanilang aktibidad ng Oplan Galugad nang makatanggap sila ng impormasyon mula sa concerned citizens tungkol sa dalawang kalalakihan na may mga bitbit na baril sa lugar.

Agad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Substation 10 na nagresulta ng pagkakadakip kay alyas Romie habang mabilis namang nakatakas si alyas Jamil.

Narekober sa posesyon ni alyas Romie ang isang .38 caliber revolver na kargado ng anim na bala, isang itim na pitaka na may lamang iba’t ibang identification cards at P1,000 cash.

Sa isinagawang interogasyon kay alyas Romie ay inamin nito na silang dalawa ni alyas Jamil ang responsable sa pangho-holdap sa lalaking kanilang nabiktima sa Macapagal Avenue kung saan sapilitan nilang kinuha ang pera at iPhone nito na nagkakahalga ng P30,000. James I. Catapusan

Previous articleBaste nilinaw na kay Imee lang nag-sorry ‘di kay PBBM
Next articlePagsasanay sa content creation sinisilip ng TESDA