Muling nanawagan ang EcoWaste Coalition para sa isang “basura-free” Eleksyon 2025 at hinimok ang mga kandidato na sumunod sa Ecological Solid Waste Management Act habang magtatapos ang campaign period sa Mayo 10.
“Huwag gawing dumpsite ang mga miting de avance,” ayon kay Zero-Waste campaigner Cris Luague, na nanawagan ng mahigpit na pagpapatupad ng RA 9003, “clean as you go,” at no-smoking policies. Binalaan din ang mga kandidato na huwag labagin ang campaign ban sa Mayo 12, lalo na ang pamimigay ng sample ballots na sanhi ng basura sa mga presinto.
Pinayuhan din ang mga kandidato na iwasan ang paggamit ng single-use plastics at styrofoam, at hikayatin ang paggamit ng reusable containers at tamang segregasyon ng basura. Hiniling din ng grupo ang paglilinis ng mga campaign materials pagkatapos ng halalan.
“Panalo man o talo, tanggalin ang campaign materials,” ani Luague. RNT