MANILA, Philippines – SUGATAN ang isang mangangalakal makaraang barilin ng security guard ng isang restaurant nang magkalat ng basura ang una sa paligid ng binabantayang establisyemento ng huli sa Quezon City, kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni Quezon City Police District Director PBGen. Redrico Maranan ang nadakip na suspek na si Remwil Garcera, 58, security guard at residente ng Brgy. Tandang Sora, qc.
Sugatan naman ang biktima na isang mangangalakal na hindi pa nakikilala at kasalukuyan ginagamot sa East Avenue Medical Center (EAMC).
Ayon sa ulat ng QCPD, naganap ang insidente dakong 10:00 ng umaga nitong Setyembre 4, 2024, Miyerkules sa harap ng Kamay Kainan Restaurant sa no. 2 Malamig Street, malapit sa kanto ng Kalayaan Avenue, Brgy. Central Quezon City.
Sinabi sa ulat na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang suspek at ang biktima dahil sa pagkakalat umano ng biktima sa paligid ng restaurant na binabantayan ng suspek.
Habang nagtatalo ay kumuha umano ng bato ang biktima at tinangkang saktan ang suspek dahilan para bunutin ng suspek ang kanyang service firearm at binaril ang biktima ng tatlong (3) beses.
Agad naman rumesponde ang mga operatiba ng QCPD Station 10 Kamuning sa pinangyarihan ng insidente at agad naman nadakip ang suspek na kasalukuyan ngayong nahaharap sa kasong Frustrated homicide. Santi Celario