MANILA, Philippines – Umapela ng tulong si Batanes Gov. Marilou Cayco para sa mga mamamayan nito kasunod ng pananalasa ng Supertyphoon Julian sa probinsya.
Nagdulot ang nasabing bagyo para mawalan ng tirahan ang mahigit 2,000 pamilya.
Nitong Martes ng gabi, Oktubre 1, idineklara ng provincial board ang state of calamity sa Batanes na magbibigay daan sa local na pamahalaan para gumamit ng nararapat na pondo, kabilang ang Quick Response Fund para mapadali ang disaster response at recovery.
Sa inisyal na ulat mula sa Batanes Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot na sa P611 milyon ang naitalang pinsala sa mga ari-arian sa probinsya.
Ani Cayco, kailangan ng probinsya ng mga makakain, inuming tubig, construction materials at iba pang mga suplay para makatulong sa recovery efforts.
Sa datos ng pamahalaan, mayroong 6,854 na pamilya o 21,398 indibidwal ang direktang naapektuhan ng bagyo.
Nasa 51 pamilya o 163 katao ang tumutuloy sa mga evacuation centers, habang siyam na pamilya ang nakituloy muna sa mga kaanak o kapitbahay.
“This is the largest number of affected residents we’ve seen compared to previous typhoons,” sinabi pa ni Cayco.
Samantala, nasira ang nasa 2,463 tirahan at umabot sa P4 milyon ang halaga ng napinsala sa mga palay at gulay.
Nagpapatuloy ang clearing operations sa mga bayan ng Uyugan, Sabtang, Basco at Ivana dahil sa epekto ng bagyo. RNT/JGC