CEBU CITY- MAAGANG binawian ng buhay ang isang batang babae matapos malunod habang naliligo sa dagat kasama ang nakababata nitong kapatid, kahapon, Marso 2 sa lungsod ng Sibonga.
Dead-on-arrival nang idating sa ospital ang biktimang si Kiannah, 11-anyos habang nakaligtas ang 9-anyos nitong kapatid na si Donna, kapwa residente ng Purok Siloy, Barangay Sayao, ng nabanggit lungsod.
Batay sa report ng Sibonga CityPolice Station, bandang 5:40PM nakatanggap sila ng report hinggil sa nalulunod na biktima sa baybaying dagat na sakop ng Barangay Candaguit, Sibonga City.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, naliligo ang magkapatid sa nasabing dagat subalit napadpad si Kiannah sa malalim na bahagi at hinigop ito ng malakas na alon.
Agad naman rumesponde ang mga pulis at tauhan ng Coast Guard sa nabanggit na lugar at dinala sa Deiparine Community Hospital, Sibonga ang mga biktima subalit sa daan pa lamang ay nalagutan ng hininga si Kiannah.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente. Mary Anne Sapico