Home METRO Batang hinostage sa Marawi, ligtas; suspek, patay

Batang hinostage sa Marawi, ligtas; suspek, patay

272
0

MARAWI, Philippines – Isang 28-anyos na lalaki na humostage sa isang anim na taong gulang na batang babae ang napatay ng pulis sa Barangay Sabala Manao Proper, Marawi City madaling-araw ng Linggo, Disyembre 21, 2025.

Ayon sa Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), pinaniniwalaang nasa impluwensiya ng ilegal na droga ang suspek nang pumasok siya sa bahay ng bata, pilit itong kinuha, at tinakot gamit ang kutsilyo.

Agad na rumesponde si Police Senior Master Sergeant Sohair Solaiman ng Molunda Municipal Police Station, na nagkataong nagjo-jogging sa lugar, at sinubukang kausapin ang suspek upang pakawalan ang bata.

Ngunit naging mas agresibo ang suspek nang dumating ang iba pang pulis mula sa Marawi City Police Station. Nang saktan na umano ng suspek ang bata, napilitan ang mga awtoridad na barilin ang suspek.

Nagtamo ng mga tama ng bala ang suspek at binawian ng buhay bago makarating sa ospital.

Ang bata naman ay nagtamo ng pinsala sa mukha at braso at dinala sa Amai Pakpak Medical Center para gamutin. Ligtas na siya sa kasalukuyan, ayon sa mga awtoridad.

Patuloy pa ring iniimbestigahan ang insidente, lalo na ang pagkakakilanlan ng suspek, dahil ayon sa mga residente sa lugar, hindi nila ito kilala. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here