MANILA, Philippines – Posibleng tumaas ng hanggang ₱1.25 kada kilo ang presyo ng baboy habang papalapit ang Araw ng Pasko, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Sa kasalukuyan, ang maximum suggested retail price (MSRP) ng baboy ay ₱370 kada kilo para sa liempo, dahil ito ay itinuturing na choice cut, at ₱330 kada kilo para sa kasim at pigue.
Ayon kay DA Assistant Secretary Genevieve Guevarra, karaniwan nang may bahagyang pagtaas ng presyo tuwing Pasko, lalo na kapag tumataas ang demand dahil sa mga handaan at selebrasyon.
Gayunpaman, sinabi rin ng DA na may pagbabago sa ugali ng mga mamimili. Mas marami na raw ngayon ang bumibili ng handang pagkain sa halip na magluto pa sa bahay tuwing Noche Buena, na maaaring makaapekto sa demand ng hilaw na karne.
Patuloy na minomonitor ng DA ang presyo ng baboy upang masiguro na nasusunod ang itinakdang MSRP at hindi labis na naaapektuhan ang mga mamimili ngayong panahon ng Pasko. RNT/MND