Home NATIONWIDE ‘Batang Magaling’ Bill muling itinulak ni Gatchalian

‘Batang Magaling’ Bill muling itinulak ni Gatchalian

MANILA, Philippines- Habang binabalak ng Department of Education (DepEd) na simulan ang revised senior high school curriculum para sa School Year (SY) 2025-2026, muling isinulong ni Senador Win Gatchalian ang panukalang pagpapaigting sa kahandaan ng senior high school graduates na tumuloy sa kolehiyo at makapagtrabaho.

Layunin ng Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2367) na inihain ni Gatchalian, na tiyakin na may sapat na kaalaman, kasanayan, at kakayahan ang lahat senior high school graduates upang makapili ng kani-kanilang landas: higher education o kolehiyo, middle-level skills development, employment o trabaho, at entrepreneurship o pagnenegosyo.

Binigyang-diin ni Gatchalian ang kahalagahang tugunan ang mga hamong kinakaharap ng senior high school program. Bagama’t ipinangako ng programa ang kahandaan ng graduates na pumasok sa trabaho, lumabas sa isang 2020 discussion paper ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na 20% lamang ng mga senior high school graduates ang nakakapasok ng labor force.

Lumabas din sa pag-aaral ng PIDS na kung ihahambing sa nakatapos ng Grade 10 at second year college, walang pinagkaiba ang senior high school graduates pagdating sa basic pay kada araw.

Layon ng panukalang batas ang paglikha ng National Batang Magaling Council na bubuuin ng DepEd, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Labor and Employment (DOLE), tatlong national industry partners, isang national labor group, at ng Union of Local Authorities of the Philippines, isang umbrella organization ng lahat liga ng lokal na pamahalaan.

Magiging mekanismo ang Council upang iugnay ang curricular offerings ng mga paaralan at work immersion component ng senior high school sa market needs na tinukoy ng industry partners at government agencies.

Magiging mandato rin nito na palawakin ang kaalaman ng industry partners at ahensya ng gobyerno upang tanggapin ang mag-aaral sa work immersion programs.

Dapat ding tiyakin ng pribadong sektor at ng gobyerno na angkop ang deployment ng mga senior high school graduates sa kanilang mga tracks, at makakamtan ng mga mag-aaral ang specialized skills at competencies upang magtagumpay sa kani-kanilang karera.

“Isinusulong natin ang Batang Magaling Act upang matiyak natin ang kahandaan sa trabaho ng ating graduates sa senior high school. Titiyakin natin na may maigting na ugnayan ang pribadong sektor at paaralan para sa magandang kinabukasan ng ating mag-aaral,” ayon kay Gatchalian, Chairperson of the Senate Committee on Basic Education. Ernie Reyes

Previous articlePinas binigyan ng Canada ng P145.5M para sa pagbabakuna ng mga batang Pinoy
Next articleMga negosyanteng Australian niligawan ni PBBM