Home NATIONWIDE Batang ‘Swifties’ kailangan ng DSWD clearance bago umalis ng bansa – BI

Batang ‘Swifties’ kailangan ng DSWD clearance bago umalis ng bansa – BI

MANILA, Philippines – PINAALALAHANAN ng Bureau of Immigration (BI) ang mga menor de edad na bumibiyahe palabas ng bansa para dumalo sa Eras tour ay kinakailangang kumuha ng clearance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon sa website ng DSWD, kinakailangang kumuha ng travel clearance ang mga menor de edad na Pinoy na maglalakbay nang mag-isa bilang mga turista.

Kinakailangan din ang mga menor de edad na maglalakbay kasama ang isang tao maliban sa kanyang magulang.

Ang Bureau of Immigration (BI) ay naglabas ng paalala dahil daan-daang mga young adult at menor de edad ang inaasahang pupunta sa Singapore para dumalo sa Taylor Swift The Era’s Tour na nakatakda sa Marso 2, 3, 4, 7, 8, at 9.

Pinaalalahanan ng BI ang mga batang “Swifties” na wala pang 18 taong gulang na kumuha ng pahintulot ng magulang kung naglalakbay nang mag-isa.

“We are expecting an increase in travelers during the first week of March during the Taylor Swift concert period, and of course as the summer season enters,” ani BI Commissioner Norman Tansingco.

Sinabi ni Tansingco na inaasahan nila ang halos 150,000 Filipino departure para sa unang linggo ng Marso, at sinabing ang mga Filipino traveller na dadalo sa konsiyerto ay maaaring madagdagan pa.

Pinaalalahanan din niya ang mga concert-goers na punan ang kanilang e-travel 72 oras bago ang pag-alis, at mag-check-in nang hindi bababa sa tatlong oras bago ang kanilang flight. JAY Reyes