Maglalaban ang Batangas City Tanduay Rum Masters at South Cotabato Warriors sa ikalawang South Division finals slot ng 6th MPBL (Maharlika Pilipinas Basketball League) Season sa alas-7 ng gabi ngayong Huwebes sa Batangas City Coliseum.
Uusad sa South Finals ang mananalo sa pagitan ng Rum Masters at Warriors at haharap sa naghihintay na Quezon Huskers.
Na-outrebound ng South Cotabato ang Batangas 49-39 sa Game 1 ng kanilang best-of-three semifinal series noong Oktubre 28 sa Quezon Convention Center sa Lucena City at tuluyang nanaig, 87-76.
Ngunit naghari ang Rum Masters sa ilalim, 49-38, at nagwagi, 81-79, sa Game 2 na ginanap sa kanilang home court noong Nobyembre 4 upang pilitin ang deciding Game 3.
Sa kanilang elimination round encounter na ginanap sa kanilang tahanan noong Agosto 21, dinomina rin ng Rum Masters ang shaded lane, 46-35, at nagwagi, 91-82.
May momentum sa kanilang panig, ang Rum Masters ay sasagupa para sa kanilang ikaanim na sunod na finals appearance matapos masungkit ang MPBL inaugural title noong 2018.
Naglalayon naman ang Warriors para sa sa kanilang unang finals stint.
Muling aasa si Batangas Coach Cholo Villanueva kay Levi Hernandez, ang nangungunang performer ng serye na may average na 15.5 points, 6.5 rebounds at isang block.
Makakakuha ng suporta si Hernandez mula kay Jong Baloria, Philip Paniamogan, Dawn Ochea, Jeckster Apinan, Cedric Ablaza, John Ambulodto at CJ Isit.JC