MANILA, Philippines- Posibleng ipalabas ang executive order (EO) na naglalatag ng mga alituntunin para sa pagbabawal ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) operations sa bansa sa susunod na linggo, ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) nitong Miyerkules.
“Palabas na ang EO. I think within the week,” pahayag ni PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz sa Kapihan sa Manila Bay.
“It’s more of magiging policy, how we will approach, what agencies are involved. Para alam ng bawat isa kung ano ang magiging trabaho nila and after ng EO, maglalabas sila ng marching orders para sa specific agencies,” dagdag ni Cruz.
Noong Setyembre, sinabi ni Cruz sa Senate panel na nakatakdang ipalabas ng Malacañang ang EO sa pagbabawal sa POGO operations “in two weeks time.”
“After the deadline, dapat may massive update. Para totally ‘yung mga naiwan, ‘yung ayaw talaga, automatic huhulihin na lang at puwede na ipasara ng local government units (LGUs). ‘Pag hindi nakialam, probably the national government will take action,” ani Cruz.
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa ikatlo niyang State of the Nation Address (SONA), ang pagbabawal sa lahat ng POGO sa bansa epektibo noong Hulyo 22, 2024 matapos matuklasan sa pagsalakay sa illegal POGOs ang mga kagamitan para sa torture, love scams, at iba pang krimen.
Inatasan ni Marcos ang Philippine Amusements and Gaming Corp. (PAGCOR) na tiyaking bubuwagin lahat nbg POGO operations cease sa pagtatapos ng taon. RNT/SA