Home NATIONWIDE Batas ipinatupad sa pagbabalik-Pinas ni Teves – Palasyo

Batas ipinatupad sa pagbabalik-Pinas ni Teves – Palasyo

241
0

MANILA, Philippines- Isang pagpapatupad ng batas ang pagpapatapon at pagkuha kay dating Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves Jr., sinabi ni Assistant Secretary Erel Cabatbat ng Presidential Communication Office noong Biyernes.

Inihayag ni Cabatbat na nagpatupad lamang sila ng batas at ginawa lamang ang kanilang tungkulin.

“Kami po ay nagpapatupad lamang ng batas at ginawa lang po namin ang aming tungkulin,” ayon kay Cabatbat sa press briefing sa Malakanyang.

Nang hingan naman ng komento si Cabatbat ukol sa sinabi ng anak ni dating Cong. Teves na si Axl Teves na kinidnap ang kanyang ama sa pagkuha rito mula sa Timor-Leste lalo pa’t wala namang extradition treaty ang Pilipinas sa Timor-Leste, ang naging tugon ni Cabatbat ay, “Hindi po ako privy sa naging usapan, pero maaring nakatulong po ang ginawang pakikipag-ugnayan ng ating Pangulo sa Presidente at Prime Minister ng Timor.”

Sinabi ni Cabatbat na nirerespeto niya ang naging pahayag ng anak ni dating Cong. Teves, na si Axl Teves dahil ang kanilang ginawa ay pagpapatupad lamang sa batas ng Pilipinas. May mga arrest warrants aniya na inilabas at kailangan na ipatupad iyon.

“Nanggaling po dito sa Pilipinas ang arrest warrant at kung familiar po kayo sa court proceedings kung saan po galing ang search warrant, doon din po ibabalik,” ang paliwanag ni Cabatbat.

Sa kabilang dako, sinabi pa rin niya na nakabantay at nakaantabay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa development sa pagkuha sa puganteng si dating Negros Oriental Representative Arnulfo Teves mula Timor-Leste.

Matatandaang lumipad pa-Timor-Leste si Teves matapos siyang iturong mastermind sa pagpatay kay noo’y Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Marso 2023.

Ayon kay Cabatbat, kasama sa extraction team, bago pa sila lumipad patungong Timor-Leste ay ‘namo-monitor at napapaalam’ na kay Pangulong Marcos ang mga nangyayari.

‘Pag iyon po ‘yung pagkuha namin o pag-turnover formally ng Timor-Leste, Bureau of Immigration sa dating mambabatas ay naipagbigay alam kaagad sa kanya (Pangulong Marcos). Medyo challenging lang po kasi ang connection po sa airport, hindi gaya natin na malakas ang signal, doon po ay medyo challenging po siya. Tapos noong nakarating na kami rito sa Davao palang ay inabisuhan din kaagad ang ating Pangulo, the moment na nag-land po iyong eroplano,” ang sinabi ni Cabatbat.

Sinabi pa ni Cabatbat na bilang tugon aniya sa utos ni Pangulong Marcos ay maayos, mapayapa at matagumpay na nauwi sa Pilipinas si Teves.

Sa kabilang dako, ikinuwento naman ni Cabatbat ang ginawang pagkuha ng extraction team sa dating mambabatas.

“Alas-diyes po ng gabi noong Huwebes ay nagpulong po ang mga miyembro ng extraction team kasama na po rito sina Asec. Eliseo Cruz ng DOJ, NBI Director Jaime Santiago, at mga kinatawan po ng DOJ, Bureau of Immigration, National Bureau of Investigation at ang magigiting po na piloto at crew ng Philippine Air Force, 10:27 po ng gabi nakumpirma po na puwede pong dumaan ang Philippine Airforce 142 na eroplano sa airspace po ng Indonesia at 11:30 po kami po ay tumungo papuntang Cebu para sa daanan ng isa pang K member ng ating extraction team. Dumating po kami ng 2:01 ng umaga sa Cebu at 3:14 po ng umaga ay lumipad naman po kami papuntang Davao para refueling po kasi po medyo malayo po ang Davao papuntang Timor-Leste,” ang kuwento nito.

“Pero, hindi po kaagad kami nakaalis kasi 6:35 po ng AM doon na po namin na-receive o natanggap ang clearance na baka puwede pong bumaba ang ating eroplano sa Dili, Timor-Leste. Mayroon na po kasing verbal agreement, pero ininsist po ng ating mga piloto na dapat mayroon talagang nakasulat na clearance para hindi po magkagulo. So, bumiyahe po kami 12:30 po Manila time, dumating po kami saPresidente Nicolau Lobato International Airport sa Dili, 1:00 AM—1:11 PM po, pormal pong nai-turnover sa atin si former Representative Arnie Teves,” dagdag niya.

Sinabi pa niya na may inisyal ng usapan pagdating sa Timor-Leste kung saan ay ibibigay sa extraction team kaagad Representative Teves, pero may kaunti aniyang pagbabago.

Subalit, sa kabila aniya nito ay naging maayos ang turnover, nagpirmahan lang ng ilang dokumento at nang maayos na ang mga dokumento, ay inilabas na si Teves, na naka-posas at naka-shackle pati mga paa niya.

“So, pagka-turnover po sa atin, may guhit kasi po doon sa terminal, so paglagpas ng guhit kinuha po ng ating mga kinatawan at tinanggal po iyong posas at pinosasan pa rin ng mga taga-NBI,” ang sinabi pa rin ni Cabatbat.

“May request po si dating mambabatas Teves, kung puwede daw po ay huwag na sana siyang posasan, kasi nga po masakit na daw ang kanyang mga kamay. At sinabi pa rin niya na pabiro po na ‘saan naman daw siya pupunta, hindi naman daw siya gagawa ng anumang gulo’. Pero, hindi po ito pinagbigyan kasi nasa protocol parin po. So, pagpasok po niya sa eroplano, pinaupo siya, kinausap po siya ni NBI Director Jaime Santiago, at pagkalipas ng ilang minuto ay binasahan siya ng kanyang Miranda Rights ng kinatawan naman po ng NBI.”

“So, habang binabasa po iyong Miranda rights, nakikinig naman po si former Rep. Teves, pagkatapos siyang basahan ng Miranda rights niya ay binasa naman po ang mga pending na arrest warrants sa dating mambabatas. Sa pagkakaalala ko po, parang sampu po iyong mga kasong binasa [unclear] sa kanya. So, hindi po kami nakalipad din kaagad kasi nagkaroon ng kaunting problema sa eroplano po natin, pero dahil mahusay po at magaling naman po ang staff po, ang crew ng Philippine Airforce ay naayos po iyon.”

“So, nakaalis po kami 2:42 ng hapon Manila time, departure from Dili to Davao, medyo challenging po iyong biyahe pabalik kasi paglabas po ng Indonesian air space maayos ang weather, pero pagpasok po ng Pilipinas malakas po ang ulan at medyo matagtag po ang biyahe. Sa kabila po niyan 7:27 po kagabi nakalapag po kami sa Davao, nagkaroon po doon ng refueling ulit kasi masyadong malayo iyong biyahe, medyo natagalan lang iyong pagre-refuel kasi sobrang lakas po ng ulan. So, 8:27 nakaalis po kami at 11:19 po ng gabi, kagabi ay lumapag po kami sa Villamor. Alas-dose po ng hating gabi o 12:03 ay pormal pong nadala ang dating mambabatas na si Arnie Teves, sa NBI,” ang litaniya ni Cabatbat. Jocelyn Tabangcura-Domenden/Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here