MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na palalawakin nito ang ‘Walang Gutom Program’, kung saan binibigyan ng P3,000 kada buwan ang mga benepisyaryo para makatulong na makabili ng mga masusustansyang pagkain.
Sa ngayon, ang programa ay mayroong 300,000 benepisaryo.
Sinabi ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian na hangad ng departamento na tiyakin na ang programa ay epektibo bago pa palawakin ang saklaw nito.
“Now, on Year Two, which is the latter part of this year, papasok na yung second 300,000 sa third to fourth quarter,” ang sinabi ng Kalihim.
Aniya pa, may panibagong 150,000 benepisyaryo ang maidaragdag bago magtapos ang 2026, para maabot ang target na 750,000 food poor families.
Kinokonsidera ng DSWD ang mga pamilya na kumikita ng P9,000 na mas mababa sa isang buwan bilang ‘food poor.’
“Yung food poor, sila yung talagang pagkain pa lang, hindi na sapat ang kinikita… Sila yung pinakamahirap sa mahirap,” ang paliwanag ni Gatchalian.
Ginamit naman ng DSWD ang Listahanan Database nito para madetermina kung sino ang ‘food poor’. Sa pagpili ng mga bagong benepisyaryo, gagamit din ito ng community based monitoring system ng Philippine Statistics Authority bilang pagsunod sa batas.
Mas marami namang retailers ang inaccredit sa programa.
Maliban sa tulong pinansyal, tinuruan ang mga benepisyaryo ukol sa nutrisyon sa pamamagitan ng their benefit cards.
“Makikita nila yung food credit nila na available… Nakaukit rin doon kung ilang percent ang mapupunta sa protein, ilang percent ang mapupunta sa fiber, ilang percent ang mapupunta sa carbs,” ang pahayag ni Gatchalian.
Pinag-aaralan naman ng DSWD kung itataas nila ang financial aid.
Iprinisinta rin ng departamento ang findings ng naging pag-aaral ng Social Weather Stations (SWS) hinggil sa ‘Walang Gutom Program,’ na kinomisyon nito kasama ang Globe.
Natuklasan sa pag-aaral na “among program beneficiaries, the share of households experiencing hunger dropped by 4.1 percentage points—from 48.7% in October 2024 to 44.6% in December.”
Sinabi pa rin nito na “hunger prevalence among non-beneficiaries increased over the same period by 6.1 points.”
Samantala, sinabi ni Dr. Roehlano Briones, isang kasama sa SWS, na base sa pag-aaral, “‘Walang Gutom caused both hunger and severe hunger to decline.” Kris Jose