MANILA, Philippines- Ikinagalak ni Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health and on youth, ang paglagda sa Republic Act No. 12080, o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act, na tutugon sa nakaaalarmang mental health crisis sa mga estudyanteng Pilipino.
Ang batas ay nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Lunes, Disyembre 9.
Binigyang-diin ni Go, co-author at co-sponsor ng batas, ang kahalagahan ng pag-institutionalize sa mental health programs sa mga paaralan upang maibsan ang lumalaking hamon sa mental health ng mga mag-aaral.
Sinabi ni Go na napapanahon na bigyan ng sapat na atensyon ang mental health ng kabataan sa pagsasabing hindi maaaring ipagwalang-bahala ang mga isyung ito dahil buhay at kinabukasan ang nakataya.
Ang bagong batas ay hindi lamang nagtatatag ng care centers for mental health services sa lahat ng public schools baskus ay magpapakalat din ng grupo ng mga propesyonal para maghatid ng mga serbisyong ito. Ipinakikilala din nito ang upgrade sa salary grade ng guidance counselor at pinapayagan ang trained non-counselors na pansamantalang punan ang kakulangan sa mental health staffing.
Kaugnay nito, si Go ay nag-akda at nag-co-sponsor din ng Senate Bill No. 2598, o ang State Universities and Colleges (SUCs) Mental Health Services Act upang palakasin ang mental health services sa mga SUC sa buong bansa. Kung magiging batas, maglalagay ng mga Mental Health Office sa bawat SUC campus upang magbigay ng komprehensibong suporta at interbensyon sa mga mag-aaral, guro, at kawani.
Malaki aniya ang pangangailangan ng SCUs para sa mental health support, lalo na sa panahon ngayon kung saan ramdam pa rin ang epekto ng pandemya, mga isyu ng ekonomiya, at ang hirap na dulot ng mga kalamidad.
Batay sa istatistika, mahigit 400 mag-aaral ang nagbuwis ng sarili nilang buhay noong 2021 at may libu-libo pang nagtangkang magpakamatay.
Sa kabila nito, 22.17% lamang ng mga Pilipino ang iniulat na naghahanap ng professional psychological help.
Sinabi ni Go na kailangang gawing mas accessible at abot-kamay ang mental health services para sa lahat ng mag-aaral at hindi nila dapat maramdaman na mag-isa sila sa laban na ito.
Idiniin din ni Go ang pangangailangang tiyakin ang pagpapatupad ng RA 11036, o ang Philippine Mental Health Act, na nilagdaan bilang batas noong termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Ginagarantiyahan ng batas ang karapatan ng mga Pilipino na ma-access ang mental health service sa antas ng barangay at komunidad.
“Kailangan din natin ng edukasyon at pagbabago ng pananaw ng lipunan tungkol sa mental health. Ito ay hindi kahinaan kundi bahagi ng ating kalusugan na dapat nating tutukan at solusyunan,” ani Go. RNT