MANILA, Philippines- Sinabi ni Vice President Sara Duterte na muli siyang hindi dadalo sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa umano’y death threat niya laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
Inihayag ito ni Duterte matapos hilingin sa NBI na ilipat ang iskedyul ng initial summon noong Nov. 29. Inilipat naman ito NBI sa Miyerkules, Disyembre 11.
“Sa pagkakaintindi ko sa explanation ng mga abogado ko sa investigation ng NBI ay pwede namang hindi pumunta, ‘yun ang explanation nila dahil pwede naman daw magsubmit na lang ng sulat or affidavit, depende sa aking desisyon, or position paper so hindi rin ako makapunta,” pahayag ni Duterte sa isang panayam nitong Lunes.
Nang tanungin kung bakit muli siyang hindi makakapunta, binanggit ni Duterte ang Thanksgiving activities ng kanyang opisina, maging lamay na kailangan niyang puntahan sa Davao City.
“Meron kaming thanksgiving activities sa December 11 and after Thanksgiving activities ay pauwi rin ako sa Davao city para maglibing ng uncle ko,” pahayag ng Bise Presidente.
Sa inisyal na subpoena, inatasan ng NBI si Duterte na magpakita ng ebidensya sa imbestigasyon sa umano’y grave threats sa ilalim ng Article 282 ng Revised Penal Code in relation to Section 6 ng Cybercrime Prevention Act of 2012 (Republic Act No, 10175).
Binanggit din sa dokumenro na posibleng lumabag si Duterte sa Anti-Terrorism Act of 2020 (RA 11479).
Sa gitna ng mga reklamong ito, nahaharap din si Duterte sa impeachment complaints.
“l welcome na finally nai-file na yung impeachment case na sinasabi nila na i-file nila since last year pa,” wika naman ni Duterte.
“At least kung meron tayong impeachment case, masagot na nang final kung ano ‘yung mga inaakusa nila sa akin,” dagdag niya.
Bukod sa NBI investigation at sa impeachment raps, nahaharap si Duterte sa reklamong grave coercion, direct assault, at disobedience—lahat ay inihain ng Philippine National Police.
Nahaharap din siya sa disbarment complaints sa Supreme Court.
Karamihan sa mga ito ay nag-ugat sa kanyang pahayag kamakailan kung saan sinabi niyang may inatasan siyang itumba sina Marcos, kanyang asawang si Liza, at pinsang si Speaker Martin Romualdez sakaling magtagumpay ang umano’y plano laban sa kanyang buhay. RNT/SA