MANILA, Philippines- Inihayag ni Senador Grace Poe na nagkasundo ang mambabatas na buksan sa publiko ang deliberasyon ng panukalang P6.352 trilyong national budget sa 2025 kabilang ang Pagtalakay sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program (Akap).
“Our colleagues are welcome to ask [questions] in the open,” ayon kay Poe sa Viber message.
Pinayagan din ng miyembro ng lupon mula sa Senado at Kamara ng bicameral conference committee ang media na i-cover ang deliberasyon ng badyet.
Naunang ipinanawagan ng civil society groups sa Kongreso na maging transparent sa pamamagitan ng pagbubukas ng pagtalakay sa badyet sa publiko matapos ang bicameral conference nitong Nobyembre 28 , na ayon kay Poe ay itinakda sa Miyerkules ang susunod na pulong.
Bukod sa AKAP, tatalakayin din sa bicameral conference committee ang tinapyas na badyet ng Office of the Vice President (OVP) na P1.3 bilyon.
Noong nakaraang buwan, inaprubahan ng Senado ang P733 milyong pondo para kay Vice President Sara Duterte nang hindi tumagal ng 10 minuto na sinundan lamang ang bersyon ng Kamara na tinapyasan mula sa orihinal na P2.03 bilyong proposal.
Nakakuha naman ng suporta ang OVP kina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at Christopher “Bong” Go, na magbibigay ng karagdagang pondo sa OVP o ibabalik ang dambuhalang tinapyas sa period of amendments. Ernie Reyes