Home NATIONWIDE Batas sa contractual gov’t workers pinamamadali kay PBBM

Batas sa contractual gov’t workers pinamamadali kay PBBM

MANILA, Philippines – Hinimok si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na sertipikahang urgent ang panukalang batas na naglalayong magbigay ng civil service eligibility at permanent appointment sa lahat ng government casual at contractual employees na nakapagbigay ng tatlong taon ng outstanding government service.

“Amin ding inabot kanina kay Pangulong Marcos, sa pamamagitan ng kanyang aide-de-camp, iyong House Bill 1514 na may kinalaman doon sa equivalency bill na kung saan iyong mga manggagawa doon sa gobyerno na nakapaglingkod na ng tatlong taon at pumasa naman doon sa mga assessments and evaluation ay baka dapat na ring bigyan ng pagkakataong ma-regular,” pahayag ni National Anti-Poverty Commission Formal Labor and Migrant Workers Sector Sectoral Representative Edwin Bustillos.

Layon ng House Bill 1514 na magbigay ng civil service eligibility at permanent appointment sa lahat ng government casual at contractual employees sa ilalim ng job orders, contract of service, at kaparehong mga kontrata sa mga nakapagbigay ng “outstanding government service” sa loob ng tatlong taon.

“Ito ay subject pa doon sa deliberasyon ng Kongreso, kaya ang aming hiling kay Pangulong Marcos Jr. ay i-certify itong batas na ito,” ani Bustillos.

Bukod sa inisyatibo, ipinresenta rin ang Workers Rehabilitation Center Complex kasabay ng Labor Day meeting kasama ang labor leaders at iba pang ahensya ng pamahalaan.

“So, iyong mga, halimbawa mga wounded soldiers natin, iyong mga nagkaroon ng aksidente at naging PWDs ay may pagkakataon muling makahanap ng trabaho sa pamamagitan ng Workers Rehabilitation Center Complex,” dagdag ni Bustillos.

Ang joint memorandum of understanding (MOU) ay pinirmahan ng lokal na pamahalaan ng Tanay, at departments of labor, human settlements, public works, environment, at interior para sa konstruksyon ng rehabilitation center.

Itatayo ito sa Barangay Cuyambay, Tanay, Rizal at magbibigay ng komprehensibong pangangasiwa at paggamot sa mga injured worker, kasama ang biopsychosocial approach sa kanilang paggaling para sa muli nilang pagbabalik sa workforce.

Sa briefing, binanggit din ni Bustillos ang kahalagahan ng pagpapataas ng purchasing power ng mga manggagawa, pagsisiguro ng proteksyon sa overseas workers at kalayaan sa mga asosasyon.

“And lastly, tingin ko, dahil sa tumitinding init at global crisis, particularly sa klima, kailangang bantayan iyong mga implementasyon natin ng ating mga policies, particularly sa occupational health and safety, lalo na iyong mga nagta-trabaho sa construction work,” pagtatapos niya. RNT/JGC