MANILA, Philippines – Iminumungkahi ni Ping Lacson na tumatakbong senador sa 2025 elecctions ang isang scholarship program para sa mga estudyanteng kukuha ng kursong agrikultura, na kahalintulad ng “Doktor Para sa Bayan.”
“Ako ang isang legislative proposal ko ‘yong parang in the mold of Doktor para sa Bayan… ‘yong ‘Kabataang Magsasaka’ naman kung saan medyo i-level up natin ‘yong technology sa agriculture,” ani Lacson sa isang Alyansa Para sa Bagong Pilipinas press conference sa Malolos, Bulacan.
Layunin nitong gawing moderno at high-tech ang pagsasaka at baguhin ang pananaw na ang pagiging magsasaka ay katumbas ng kahirapan.
“Ayaw pumasok sa mga subject or mga kurso tungkol sa agriculture kasi nakagisnan na natin na kapag magsasaka mahirap, hindi ba? So dapat siguro baguhin natin ‘yong mindset pero gawin nating medyo high tech ‘yong ating pagsasaka,” dagdag pa ni Lacson.
Binanggit din nina Lacson at Tito Sotto ang kahalagahan ng pagpasa ng National Land Use Act at ang pagtatalaga ng isang Senate agriculture chair na may malasakit sa reporma sa lupa. RNT