MANILA, Philippines – Hinimok ni Albay Rep Raymond Adrian Salceda ang Kongreso na madaliin ang pagpasa sa House Bill No. 10848 upang tuluyang maipasara ang merkado ng bansa sa mga produktong gawa sa sapilitang paggawa o forced labor.
Ayon kay Salceda, ang naturang hakbang ay hindi lamang usapin ng pakikipagkalakalan o pag-iwas sa mga taripa kundi isang malalim na paninindigan para sa dignidad ng tao at katarungan sa paggawa.
“This is not simply about avoiding tariffs or protecting our exports. May kaakibat ito na usaping moral kapag pinahihintulutan nating makapasok sa ating merkado ang mga produktong ginawa sa pamamagitan ng forced labor at pagsasamantala. Kapag binibili at kinakalakal natin ang mga produktong ito, nagiging bahagi ng ating supply chain ang pagdurusa ng ibang tao,” pahayag ni Salceda.
Ang panukalang batas, na pinamagatang “An Act Prohibiting the Trade of Goods Produced Wholly or in Part with Forced Labor and Providing Penalties Therefor,” ay naglalayong magtakda ng malinaw at permanenteng batas na magbabawal sa pagpasok ng mga produkto na nalikha sa pamamagitan ng modern-day slavery.
Ang panukala ay kasunud ng pagpapataw ng Estados Unidos ng karagdagang 12.5 % na taripa sa produktong Pilipino siumula Hulyo 24,2026 matapos nabigo ang Pilipinas na epektibong ipatupad ang pagbabawal sa pag-aangkat ng mga produktong gawa sa forced labor.
Bagamat nagtatag na ang Executive ng inter-agency mechanism para imbestigahan ang mga kahina-hinalang imported goods, iginiit ni Salceda na kailangan ang permanenteng batas para matiyak na hindi magiging tambakan ng produktong gawa sa exploitation ang bansa anuman ang maging takbo ng administrasyon o kalagayan sa pandaigdigang kalakalan.
“Administrative action is an important first step, but we need a law that leaves no ambiguity, the Philippines will not be a market for goods produced by modern-day slavery. This should remain our policy regardless of changes in administrations or international trade conditions,”paliwanag ni Salceda.
Sakaling maging ganap na batas, bibigyan nito ng kapangyarihan ang Bureau of Customs na kumpiskahin ang mga naturang produkto, magpataw ng karampatang parusa, at patatagin ang inter-agency coordination. Binigyan-diin din ng mambabatas na malaking tulong ito para maprotektahan ang mga lokal na negosyante at manggagawang Pilipino laban sa hindi patas na kompetisyon.
“Ang isang Pilipinong negosyante na nagbibigay ng makatarungang sahod at sumusunod sa labor standards ay hindi dapat mapilitang makipagkumpitensya sa mga produkto na sa murang halaga naibebenta dahil may mga manggagawang pinagsamantalahan o pinagkaitan ng nararapat na sahod. Fair trade requires fair labor. Otherwise, responsible businesses and workers are effectively being penalized for doing the right thing,” ani Salceda.
Batay sa datos ng International Labour Organization (ILO), tinatayang nasa 27.6 milyon katao ang nabubuhay sa sapilitang paggawa noong 2021, na lumikha ng ilegal na tubo na umaabot sa $236 bilyon taon-taon.
“These numbers remind us that forced labor is not an abstract trade issue. Sa likod ng bawat produktong ginawa sa pamamagitan ng sapilitang paggawa ay isang taong pinagkaitan ng kalayaan, sahod, at dignidad,” binigyang diin ni Salceda.
Nanawagan si Salceda sa kanyang mga kasamahan sa mababang kapulungan na suportahan ang hakbang hindi lamang para alisin ang karagdagang taripa kundi dahil ito ang nararapat gawin para sa moralidad at katarungan.
“Trade should create prosperity without sacrificing human dignity. No cheaper product, higher profit, or commercial advantage can justify forced labor. The Philippines should be unequivocal on that principle, and our laws should be equally clear,” pagtatapos ni Salceda. Gail Mendoza