Home METRO Batilyong nanghamon ng away nahulihan ng baril, tiklo

Batilyong nanghamon ng away nahulihan ng baril, tiklo

MANILA, Philippines- Tiklo ang isang naburyong na trabahador sa fish port nang magwala, maghamon ng away at magbasag ng mga bote habang armado ng baril sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.

Hindi pa umano makausap nang matino ng mga tauhan ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes ang suspek na si alyas “Melvin”, 33, residente ng Market 3, Navotas Fish Port Complex, Brgy. NBBN upang alamin ang dahilan ng pagwawala dakong alas-4 ng madaling araw sa Road 10, Pescador Dos, Brgy. Bangkulasi.

Ayon kay Col. Cortes, nagpapatrulya ang mga tauhan ng North Bay Boulevard Police Sub-Station 3 nang maispatan nila ang ginagawang pambabato at pagbabasag ng bote ng suspek, habang armado ng baril.

Nagsisisigaw umano na tila wala sa sariling katinuan si alyas Melvin habang naghahamon ng suntukan kaya’t dito na siya nilapitan ng mga pulis upang pahupain ang pagwawala.

Hindi naman nakapalag na ang suspek nang agawin ng pulis ang hawak niyang hindi lisensyadong kalibre .45 na baril na may dalawang bala sa magazine hanggang sa dalhin na siya sa presinto.

Mga kasong alarm and scandal at paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition in relation to Omnibus Election Code ang isasampa ng pulisya laban sa suspek sa Navotas City Prosecutor’s Office. Merly Duero