MANILA, Philippines – Matinding binuweltahan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa si retired police general at Antipolo Representative Romeo Acop sa akusasyon nitong nagtatago siya sa saya ng nanay niya upang pagtakpan ang ilang isyung bumabalot sa kanyang pagka-opisyal.
Sa pahayag, sinabi ni Dela Rosa, dating hepe ng pulisya na nagpatupad ng madugong drug war sa panahon ni dating Pangulong Duterte, na hindi nito kailangan pang magtago sa saya ng babae dahil hindi naman nakakamatay ang salita ng isang kongresista.
“All I can say sir is: I am alright sir! I did not hide behind the skirt of my mother when I fought the terrorists and the insurgents with bullets flying all over, then why should I hide behind somebody’s skirt now knowing that your words cannot kill me?” ayon kay Dela Rosa sa pahayag.
Aniya, hindi ganito ang inaasahan na pag-uugali ng isang nagtapos sa Philippine Military Academy.
“You and me were both raised by the same Academy. You and me both served the same branch of service,” tugon ni Dela Rosa kay Acop.
Bumuwelta si Dela Rosa na naging pulitiko pagkatapos ang termino ang pulisya, matapos akusahan siya ni Acop na nagtatago sa saya ni Vice President Sara Duterte habang iniimbestigahan ng Mababang Kapulungan ang anti-illegal drug campaign ng dating administrasyon sa pangunguna ng senador.
Patuloy na itinatanggi ni Dela Rosa ang pagdalo sa isinasagawang imbestigasyon ng Kamara sa droga noong nakaraang administrasyon dulot ng inter-parliamentary courtesy at hindi natatakot sa katanungan at alegasyon na maaaring ipalutang laban sa kanya.
Itinuturing ni Dela Rosa na pawang “fishing expedition” ang isinasagawang imbestigasyon ng Kamara upang durugin ang kaalyado ni Duterte bago pa man sumapit ang halalan sa 2025 at 2028. Ernie Reyes